Farm Machinery Assembly Complex, planong itayo sa Nueva Ecija

Plano ngayon ng Pilipinas at South Korea na magtayo ng isang Agricultural Machinery Assembly Complex sa Nueva Ecija upang palakasin ang lokal na produksyon ng farm machineries at mapabuti ang pag-access ng mga magsasaka sa mga modernong kagamitan.
Sa pulong ng delegasyon mula sa Ministry of Agriculture, Food and Rural Affairs (MAFRA) at Korea Rural Community Corporation kasama ang PHilMech, tinalakay ang mga rekisito sa imprastruktura, operasyon, at posibleng pamumuhunan ng mga Korean companies.
Ipinahayag ni MAFRA Director Shin Jae Kim ang mas malawak na interes ng South Korea na palawakin ang kooperasyon sa Pilipinas, at inaasahan umano na mas marami pang kumpanya ang sasali sa proyekto.
Binigyang-diin naman ni PHilMech Executive Director Dionisio Alvindia na ang naturang assembly complex ay makatutulong sa mas mabilis na after-sales service, madaling pagkuha ng spare parts, at mas maaasahang mga gamit para sa mga magsasaka.
Kasama rin sa plano ng programa ang technical trainings at pagtatayo ng isang mechanization institute para sa pagpapalawak ng kaalaman sa paggamit ng makabagong makinarya. #
