Exemption ng mga programa ng DSWD mula sa election spending ban, aprubado na ng Comelec
By Francesca Perez, CLTV36 News intern

Inaprubahan na ng Commission on Elections (Comelec) ang exemption ng mga programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula sa election spending ban.
Gayunpaman, mula May 2 hanggang May 12, hindi sakop ng exemption ang mga programang TUPAD, AKAP, AICS, at 4Ps.
Ayon sa Section 261 (V) ng Omnibus Election Code, ipinagbabawal ang paglalabas, pamimigay, o paggastos ng public funds para sa mga proyekto o programa ng gobyerno sa loob ng itinakdang time period bago ang eleksyon upang maiwasan ang paggamit ng pondo ng gobyerno para sa pulitika.
Sa kabila nito, dahil inaprubahan ang exemption, magpapatuloy ang pag-release ng pondo para sa iba pang programa ng DSWD kahit papalapit na ang eleksyon.
Bilang kondisyon naman ng Comelec, dapat ay may representative mula sa kanilang ahensya na magbabantay sa pamamahagi ng mga programa.
Mahigpit ding ipinagbabawal ang presensya ng sinumang pulitiko o kandidato sa pamamahagi upang matiyak na hindi ito magagamit sa pangangampanya.