EXCLUSIVE: Subdivision sa Magalang, limang taon nang nakatengga; homebuyers, nananawagan ng hustisya
Umaapela ng hustisya ang mga nakabili ng lupa at bahay sa Sto. Niño Ville Residential Subdivision sa bayan ng Magalang, Pampanga, makaraang halos limang taon na umano ang lumipas ngunit gate pa lamang ng subdivision ang naitayo.
Inilunsad at inalok umano sa publiko ang nasabing proyekto noong 2021, ngunit ayon sa mga nag-invest, wala umanong naganap na aktuwal na land development sa lugar.
Ayon kay Romer Meneses, isa sa mga magulang na bumili ng lupa at bahay para sa kanyang mga anak, nananatiling farmland ang nasabing lupain hanggang sa ngayon at wala silang nakikitang malinaw na progreso sa ipinangakong subdivision.
Sa isinagawang pag-usisa ng CLTV36 News, lumitaw na hindi lamang isang pribadong kumpanya ang sangkot sa proyekto, kundi may ugnayan din ang lokal na pamahalaan ng Magalang noong panahon ng dating alkalde na si Mayor Romy Pecson.
Kinumpirma naman ni Mayor Malu Paras Lacson na kabilang ang isyung ito sa mga paiimbestigahan ng kanyang administrasyon. Ayon sa alkalde, balak niyang iakyat ang usapin sa Sangguniang Bayan ng Magalang bilang bahagi ng panawagan na masusing imbestigahan ang umano’y operasyon ng mga illegal developer sa bayan.
Samantala, sa panayam ng CLTV36 News team sa anak ni dating Mayor Pecson na si Vice Mayor Eller Pecson, sinabi niyang maging siya ay biktima nito matapos bumili ng dalawang unit na hanggang ngayon ay hindi pa rin naide-deliver ng developer.
Ayon kay Pecson, naganap ang pagbili noong panahon ng administrasyon ng kanyang ama, kung kailan nai-promote ang naturang proyekto ng Pamahalaang Bayan ng Magalang sa pamamagitan ng Urban Poor Affairs Office (UPAO) na noo’y pinamumunuan ni Virgilio Cudia.
Inamin din ng bise alkalde na may naitulak na imbestigasyon noon ang Sangguniang Bayan kaugnay ng proyekto, subalit hindi na niya matandaan ang naging resulta nito.
Sa kabila nito, tiniyak ni Vice Mayor Pecson ang kanyang commitment na muling busisiin ang kaso sa mga susunod na pagdinig, kasabay ng mas malawak na imbestigasyon ng lokal na pamahalaan sa mga umano’y ilegal na subdivision sa bayan ng Magalang.
Patuloy na tututukan ng CLTV36 News team ang mga susunod na hakbang ng local government at ang paghahanap ng pananagutan para sa mga apektadong homeowners. #
