Ex-spox Roque, nanawagan sa Duterte supporters na magsagawa ng rally sa EDSA
Tahasang hinimok ni former Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque ang mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte at ang sambayanang Pilipino na magtipon-tipon sa EDSA. Kasunod ito ng naging pag-aresto ng International Criminal Court sa ex-President umaga nitong Martes, March 11.

Sa latest live episode ng The Spox Hour sa kanya mismong Facebook page, inihayag ni Roque na layon ng kanyang panawagan na ipakita ang mariing pagkundena sa ginawang paghuli kay Duterte.
“Iparating natin na tutol tayo sa iligal na ginawa nilang pag-aresto ng isang dayuhang hukuman na wala nang hurisdiksyon sa ating bayan,” saad niya.
Matatandaang kumalas na ang Pilipinas sa Rome Statute ng ICC noong 2018, ngunit pormal itong naging epektibo noong 2019 batay sa ICC treaty.
Bagaman hindi kinakailangang makipagtulungan ng Pilipinas sa ICC, una nang ipinahayag ng Malacañang na marapat daw na makibahagi sila sa International Criminal Police Investigation (Interpol) bilang bahagi ng kanilang commitment dito.
Bukod dito, tinawag din ni Roque na ‘unlawful detention’ ang ginawa ng mga otoridad dahil aniya, ang isang warrant of arrest na mula sa isang international court ay hindi kinikilala ng Saligang Batas ng Pilipinas.
Si Roque ay nagsilbi bilang tagapagsalita noong panahon ng panunungkulan ni ex-President Duterte mula 2017-2018 at 2020-2021.
Samantala, iginiit naman ng political scientist na si Anna Malindog-Uy, na kasama rin sa Facebook live ni Roque, na kino-compromise umano ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang soberanya ng Pilipinas.

“Kino-compromise ng Marcos government ang ating soberanya. Ibig sabihin may interference na nangyayari sa atin, at the same time, ito ay nagsasabi rin na hindi tayo independent state,” ani Uy.
Sa huli, sinabi rin ni Atty. Roque na dahil sa kaganapang ito ay dapat nang iparinig ng mga Pilipino ang kanilang boses at manindigan para sa karapatan ng bansa. #