Ex-Pres. Arroyo, sinariwa ang naging ambag ni Atty. Mendoza sa kanyang administrasyon
Nakidalamhati si dating Pangulo at ngayo’y incumbent Pampanga 2nd District Rep. Gloria Macapagal-Arroyo sa pagpanaw ni dating Solicitor General at Pampanga Governor Atty. Estelito “Titong” Mendoza.
Pumanaw si Mendoza nitong Miyerkules, March 26, sa edad na 95.

Sa isang Facebook post, inalala ni Arroyo ang naging mahalagang papel umano ng namayapang abogado sa larangan ng batas at sa kanyang sariling buhay. Aniya, naging masigasig sa tungkulin si Mendoza noong panahon ng kanyang panunungkulan bilang Pangulo ng bansa, kung saan naging tagapayo niya ang former Sol-Gen. Naging katuwang din daw ni Arroyo si Mendoza sa pagbalangkas ng baselines policy ng Pilipinas, kabilang na ang masalimuot na usapin sa South China Sea.
Dagdag pa niya, si Mendoza rin ang nagsilbi niyang abogado sa patung-patong na kasong isinampa laban sa kanya ng noo’y administrasyon ni dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III. Kabilang dito ang maanomalyang confidential funds case ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) kung saan siya ay naabswelto makaraang igiit ni Mendoza na walang ebidensyang naiprisinta laban kay Arroyo.
“Habambuhay akong nagpapasalamat kay Tatang Titong,” saad ni Arroyo sa kanyang post.
Tinawag din ng dating Pangulo si Mendoza bilang “legal eagle” at “lawyer’s lawyer” dahil sa ‘di matatawarang kontribusyon nito sa sistemang panghukuman ng Pilipinas. Dagdag niya, ang naging pagpanaw ni Mendoza ay tila pagkawala raw ng haligi ng batas at katarungan. #