Ex-Mayor sa Nueva Ecija, timbog sa buy-bust operation
By Reyniela Tugay, CLTV36 News
Nadakip ang 53-anyos na dating Mayor sa Nueva Ecija matapos mahulihan ng halos kalahating milyong pisong halaga ng shabu sa Brgy. Calipahan, Talavera nitong nakaraang Miyerkules, December 31.


Ayon sa Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO), ang suspek ay dating mayor sa bayan ng Sto. Domingo sa naturang probinsya mula 2007-2010.
Sa imbestigasyon ng mga otoridad, isa sa mga operatiba ng pulisya ang nagpanggap na buyer at nakabili ng iligal na droga sa dating alkalde gamit ang marked money.
Bukod sa isang sachet ng droga ay nakuha rin sa suspek ang karagdagang limang pakete na naglalaman ng 70 grams na shabu na nagkakahalaga ng ₱476,000.
Nakapiit ngayon sa Talavera Police Station ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. #
