European Union, oobserbahan ang 2025 Midterm Elections sa Pilipinas

Opisyal na inanunsyo ni High Representative at Vice President of European Commission Kaja Kallas ang pagpapadala ng European Union ng Election Observation Mission (EOM) upang obserbahan ang 2025 Midterm Elections sa Pilipinas sa May 12.
Ito ang kauna-unahang pagkakataon na magpapadala ang unyon ng isang EOM sa bansa, kasunod ng opisyal na imbitasyon mula sa Commission on Elections (Comelec) para sa mas matibay na ugnayan sa pagitan ng European Union at Pilipinas.
Kaugnay nito, itinalaga ni Kallas si Marta Temido, na miyembro ng isang European Parliament, bilang Chief Observer ng misyon.

Isa namang karangalan para kay Temido ang pangunahan ang isasagawang obserbasyon sa ating bansa. Aniya, pinaplano na niyang makipagpulong at makipag-ugnayan sa mga kinatawan ng gobyerno at iba pang electoral stakeholders upang masuri nang maayos ang proseso ng halalan.
Ang EU EOM ay may mandato na magsagawa ng isang komprehensibo at patas na pagsusuri sa electoral process ng Pilipinas. Susuriin nito kung paano isinasagawa ang halalan sa bansa batay sa umiiral na batas.
Matapos ang halalan, maglalabas ng mga ulat ang EU EOM ukol sa kanilang naging obserbasyon at magbibigay ng rekomendasyon upang mapabuti pa ang mga susunod na electoral process sa bansa kung kinakailangan.