Enforcer at trike driver, nahulihan ng ₱340-K halaga ng shabu; marijuana at LSD, nakumpiska sa rider na tumakas sa Comelec checkpoint
Tatlong suspek ang naaresto sa magkakahiwalay na operasyon ng Nueva Ecija at Pampanga Police nitong February 18 at 19, 2025.
Timbog sa ikinasang buy-bust operation ng pinagsamang pwersa ng mga otoridad ang dalawang High-Value Individuals sa Brgy. Valenzuela, Santa Rosa, Nueva Ecija nitong Martes, February 18.

Kinilala ng mga otoridad ang mga suspek na sina alyas “Lando”, 32-anyos na isang tricycle driver, at si alyas “Bry”, 35-anyos na isang traffic enforcer at parehong mga nakatira sa Cabanatuan City. Nahulihan ang dalawa ng aabot sa 50 grams ng hinihinalang shabu na may estimated value na ₱340,000.

Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga pulis sina alyas “Lando” at “Bry”.
Samantala, naharang ng Porac Police ang indibidwal na sakay ng isang motorsiklong walang plate number sa isang Comelec checkpoint sa Brgy. Sta. Cruz nitong Miyerkules, February 19.
Nagtangka pa umanong tumakas ang suspek na kinilalang si alyas “Lon”, 26-anyos na residente ng Angeles City, ngunit kaagad naman siyang nahabol ng mga pulis at inaresto.

Nakuha mula sa naturang ang suspek ang iba’t ibang illegal items, kabilang ang 60 grams ng high-grade marijuana o Kush na nakabalot sa 17 ziplock bags at nagkakahalaga ng ₱60,000, gayundin ang 10 disposable vapes na pinaghihinalaang naglalaman ng liquid LSD na may halagang ₱10,000.

Bukod pa rito, nakumpiska rin kay alyas “Lon” ang isang .38 caliber revolver, cellphone, at ang motorsiklo na ginamit ng suspek na hindi umano rehistrado, ayon sa pulisya.
Ang lahat ng nadakip na suspek ay sinampahan na ng mga kaukulang kaso. #