Eleksyon sa Western Visayas, magpapatuloy sa kabila ng pag-aalburoto ng Mt. Kanlaon: OCD
Magpapatuloy raw ang nakatakdang halalan sa kabila ng banta ng pag-aalburoto ng Bulkang Kanlaon sa mga komunidad sa Western Visayas, ayon sa Office of Civil Defense (OCD).
Ayon sa OCD, hindi dapat maging hadlang ang anumang sakuna sa karapatan ng bawat mamamayan na bumoto. Binigyang-diin ng ahensya na mahalaga ang kahandaan at integridad ng halalan kahit sa gitna ng mga kalamidad.
Kasunod ito ng pagpirma ng Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng OCD at Commission on Elections (Comelec) na ginanap sa Negros Occidental Provincial Capitol. Layunin ng kasunduan na palakasin ang kahandaan sa mga sakuna at matiyak ang kaligtasan at tuloy-tuloy na pagdaraos ng halalan sa probinsya.

Nakasaad sa MOA ang mga plano tulad ng pagmamapa ng mga evacuation route patungo sa mga voting precinct, pagtatayo ng incident command posts, at ang posibleng pagtatalaga ng mga OCD personnel para tiyakin ang seguridad lalo na sa high-risk areas.
Magkatuwang ding magsasagawa ng data sharing at contingency planning ang dalawang ahensya upang maiwasan ang problema sa halalan at maprotektahan ang mga botante at election officials.

Giit pa ng OCD, ang Pilipinas ay nangunguna sa World Risk Index, kaya’t kinakailangang maging handa palagi. Binigyang-diin din ng ahensya ang suporta ng pamahalaan, partikular ang pinirmahang executive order na bumuo sa National Task Force for Kanlaon bilang tugon sa mga banta ng bulkan.
Ayon pa sa ahensya, patunay ito ng isang mahalagang hakbang upang mapangalagaan ang demokrasya sa gitna ng mga hamon ng kalikasan. #
