Eleksyon 2025, tuloy na tuloy sa May 12: Comelec
“Tuloy na tuloy po ang botohan sa Lunes, May 12, 2025.”
Ito ang kinumpirma ng Commission on Elections (Comelec) sa kanilang official Facebook page matapos kumalat ang isang pekeng infographics na nagsasabing ililipat ang halalan sa May 10, 2025.
Mariin itong pinabulaanan ng Komisyon at nilinaw na hindi sa kanila galing ang pekeng larawan na kumakalat online. Wala rin umano silang inilabas na ganitong klase ng anunsyo sa kanilang official at verified social media channels.

Dahil dito, muling pinaalalahanan ng Comelec ang publiko sa huwag basta-basta maniniwala sa mga post sa online, lalo na kung hindi ito galing sa mga lehitimo at official sources.
Babala ng ahensya, ang mga nagpapakalat ng false at alarming information ay maituturing na isang election offense sa ilalim ng Omnibus Election Code ng Pilipinas.
Samantala, muling iginiit ng Comelec na ang halalan ay gaganapin sa Lunes, May 12, at bukas ang mga voting precinct sa buong bansa mula 7:00 AM hanggang 7:00 PM.
May nakalaan ding Early Voting Hours para sa mga botanteng Senior Citizens, Persons with Disability (PWD), at buntis mula 5:00 AM hanggang 7:00 AM. #
