Election-related incidents sa bansa, umakyat na sa 11: PNP
Nakapagtala na ang Philippine National Police (PNP) ng 11 election-related incidents (ERIs) sa buong bansa mula nang magsimula ang election period noong January 12, 2025.

Sa report ng Philippine News Agency, sinabi ni PNP Spokesperson PBGen. Jean Fajardo na nakatanggap ang pambansang kapulisan ng 39 suspected ERIs hanggang nitong March 28, kung saan 11 rito ang kumpirmadong may kaugnayan sa halalan, lima ang kasalukuyang bineberipika, at 23 ang walang kinalaman sa May 12 elections.
Sa mga kumpirmadong ERIs, lima ang sumailalim sa paunang imbestigasyon habang ang iba naman ay nasa case buildup stage. Sinabi ni Fajardo na mahalagang mapigilan ang paglala ng mga insidenteng ito, lalo na ngayong nagsimula na ang kampanya para sa local candidates.
Ipinaliwanag din niya na mas matindi ang tensyon sa lokal na halalan kumpara sa pambansa, kaya naman inatasan ni PNP Chief Gen. Rommel Francisco Marbil ang mas mahigpit na pagbabantay sa mga election areas of concern.
Mula sa dating 403 noong March 19, bumaba na ito sa 386.
Umaasa ang PNP na habang papalapit ang eleksyon ay lalo pang mababawasan ang mga lugar na itinuturing na election hotspots.
Samantala, nakataas na ang heightened security alert status asa lahat ng yunit ng PNP. Inatasan din ni Marbil ang lahat ng regional police offices na patuloy na magbantay sa kanilang nasasakupan upang maiwasan ang anumang krimen o kaguluhan.
Sa parehong dahilan, kinansela ng PNP ang lahat ng leave applications ng mga pulis upang matiyak na may sapat na puwersa para sa deployment. Ayon kay Fajardo, hindi bababa sa 75% ng kabuuang lakas ng PNP ang dapat maging handa para sa agarang pagtugon sa anumang insidente. #