EJ Obiena, sasabak sa World Athletics Championships sa Japan
Mahigit 2,200 na atleta mula sa iba’t ibang bansa ang sasabak sa World Athletics Championships na gaganapin sa National Stadium, Tokyo, Japan sa September 13 hanggang September 21.

Kabilang sa mga makikipagtagsisan ng galing ang pambato ng Pilipinas na si Ernest John “EJ” Obiena na lalaban sa men’s pole vault.
Kabilang si Obiena sa 28 entries para sa kanyang event. Kasalukuyan siyang nasa rank World No. 7 at hawak ang Asian Championships record na 5.90 meters.
Sa mga nakalipas na buwan, nakapagtala ang Pinoy pride ng season-best na 5.80 meters mula sa iba’t ibang international meets tulad ng Orlen Copernicus Cup sa Poland, PATAFA Pole Vault Challenge sa Manila, at Meeting Madrid sa Spain.
Bagama’t nagtapos lamang ng bronze medal finish sa Beijing Continental Tour nitong Linggo, September 7, nananatiling positibo si Obiena.
Ayon sa kanya, hindi man ito ang resulta na kanyang inaasahan, mahalaga pa rin ang mga natutunan upang makapaghanda sa matitinding laban.
Bukod sa World Championships sa Tokyo, abala rin si Obiena sa paghahanda para Atletang Ayala World Pole Vault Challenge na nakatakdang ganapin sa Ayala Triangle Gardens, Makati City sa September 20 at 21.


Tampok dito ang ilan sa mga pinakamahuhusay na pole vaulters sa buong mundo, gaya nina World No. 5 Ersu Sasma ng Turkey at World No. 6 Menno Vloon ng Netherlands. Kapwa sila may season-best na 5.92 meters. #
