EJ Obiena, gold medalist sa men’s pole vault ng 33rd SEA Games
Muling pinagharian ni Filipino pole vaulter EJ Obiena ang men’s pole vault ng 2025 Southeast Asian (SEA) Games matapos masungkit ang ikaapat niyang gintong medalya sa National Stadium sa Thailand.

Bagong SEA Games record din ang inukit ng Filipino ace nang lampasan niya ang 5.70 meters sa iisang attempt lamang.
Binasag ni Obiena ang kanyang sariling record na 5.65 meters na naitala noong 2023 SEA Games sa Cambodia.
Nagpakitang-gilas din ang pambato ng bansang Thailand na tumabla sa 5.70 meters ni EJ at nagtala ng personal best. Ngunit nauwi lamang sa pilak ang kanyang kapalaran nang malampasan niya ang naturang taas matapos ang tatlong attempt.
Madali namang nalampasan ni Obiena ang mga naunang taas bago tuluyang tinalon ang 5.70 meters.
Sinubukan pang lampasan ng dalawa ang 5.75 meters para pagdesisyunan kung sino ang mag-uuwi ng ginto, ngunit kapwa sila nabigo.
Dahil dito, nanatili ang kampeonato kay Obiena na siya pa ring hari ng pole vault sa SEA Games.
Samantala, kinumpleto naman ni Elijah Cole ang podium para sa Pilipinas matapos masungkit ang bronze medal sa 5.20 meters.

Ito na ang malaking pag-angat niya sa kompetisyon mula sa kanyang SEA Games campaign noong 2023. #
