Edukasyon, sentro ng mga programa ni PBBM sa huling tatlong taon ng termino

Tiniyak ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang patuloy na palalakasin ng kanyang administrasyon ang sektor ng edukasyon sa pamamagitan ng dagdag na mga silid-aralan, feeding programs, at mas pinaigting na suporta sa mental health ng mga mag-aaral.
Sa kanyang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) nitong Lunes, July 28, binigyang-diin ng Pangulo na target ng gobyerno ang pagtatayo ng 40,000 classrooms bago matapos ang kanyang termino, bukod sa 22,000 na natapos na umano.
Kasabay nito, isinusulong din ang konstruksyon ng 328 child development centers sa mga pinakamahihirap na bayan.
Pinalawak din ang school-based feeding program para maabot ang 1.4 milyong Kindergarten learners sa School Year 2025–2026.
Sa usapin nama ng literacy, iniulat din ni PBBM na higit 90,000 students ang nakinabang sa Academic Recovery and Accessible Learning o ARAL Program ngayong summer bilang bahagi ng pagpapanumbalik ng learning competencies.
Kasama rin sa mga hakbang ang pagtugon sa lumalalang problema sa mental health ng kabataan sa pamamagitan ng YAKAP Caravan, kung saan magdaragdag ng school counselors at free medical service para sa mga guro at mag-aaral. #
