fbpx
Editorial CLTV36

Editoryal: Makinis, maputi siya, pero ba’t gano’n?

Isinulat ni Rhandol Nixon Lapuz | Regina, University of the Assumption

Tampulan ngayon ng batikos ang kumakalat na post ng aktres na si Mariel Padilla, asawa ni Sen. Robin Padilla, habang nasa isang “gluta drip session” sa loob ng opisina sa Senado. Mabilis namang binura ang post, ngunit mas mabilis ang pangil ng netizens na binabatikos ang umano’y kawalan ng respeto ng dalawa sa sagisag ng Pilipinas. Wala namang bago sa sunud-sunod na pag-sirko ng mga senador, ngunit ngayon pa lamang naging beauty parlor ang isa sa pinaka importanteng haligi ng bansa. Sa susunod, baka pwede na ring magpa-facial, rhinoplasty, o lip filler sa loob ng mga opisina.

Kaagad na bumwelta si Sen. Padilla, aniya, wala naman daw masama sa post ng kanyang maybahay, gusto lamang daw niyang magpromote ng “good looks at good health”. Humingi ng paumanhin ang senador sa ngayon ay burado nang post ng asawa. Sa kabila niyan, wala pa rin silang takas sa mata ng publiko at kapwa mambabatas. Hindi umano katanggap-tanggap na mabahiran ng ganitong eskandalo ang mga opisina sa Senado. Walang lugar sa kahit ano mang sangay ng gobyerno ang mga ganitong gawain, kahit sino pa ang salarin.

Kinundena rin ni Senator Nancy Binay ang nasabing post, ipinagdiinan niya ang responsibilidad ng mga tulad niyang senador sa publiko.

Sa mga ganitong isyu umaalingasaw ang kakulangan sa kamalayan ng karamihan sa mga pulitiko sa bansa. Ni hindi na sagrado at karespe-respeto ang mga espasyong dapat sana ay nagagamit upang tulungang umalpas sa problema ang mamamayang Pilipino. Bukod pa riyan, naging pampalipas oras na rin ng mga pulitiko ang magpost ng kung anu-ano sa social media, na kinakagat naman kaagad ng mga nakatanghod sa kanila. Mapa-gluta drip session o TikTok video man iyan, asahang may mga tatangkilik pa rin at magla-like.

Hindi influencers ang mga pulitiko, hindi rin sila artista, hindi sila dapat gawing idolo na ginagaya ang bawat galaw. Iniluklok sila upang mapabuti ang lagay ng bansa, hindi para maging dancer, singer, o beauty guru. Sa mga ganitong pagkakataon dapat mas maging mapanuri ang mga Pilipino. Mas maalam dapat kung ano ang tama o mali. Mas may malay sa isyu ng bansa, hindi sa mga chismis na kung sinu-sino lang ang may gawa. Ngayon, hayaan muna nating tumalab ang glutathione sa kanyang balat. Sana ay effective, para maging maputi, makinis, at mukhang bata, kahit ang mali ay ginagawang tama.

Ngayon, hayaan muna nating tumalab ang glutathione sa kanyang balat. Sana ay effective, para maging maputi, makinis, at mukhang bata, kahit ang mali ay ginagawang tama.

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *

How would you rate your satisfaction with our website?*

Do you have any comments, questions, and concerns?