Economic sabotage, posibleng isampa ni PBBM kontra sa mga tiwaling flood control project
Nagbabala si Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na posibleng humarap sa kasong economic sabotage ang mga contractor at opisyal ng gobyerno na mapatutunayang sangkot sa maanomalyang flood control projects.
Galit umano ang Pangulo dahil napagkaitan ang mga Pilipino ng mahahalagang imprastruktura at serbisyo bunsod ng mga problemadong proyekto. Ayon kay Marcos, kung naipatupad lamang nang maayos ang flood control projects, malaking suliranin ng mamamayan ang natugunan sana kabilang na ang irigasyon at supply ng tubig para sa mga komunidad.
Ginawa ng Pangulo ang pahayag sa isinagawang inspeksyon sa isang flood control project sa Baliwag, Bulacan nitong Miyerkules, August 20. Iginiit niya na hindi siya mangingiming sampahan ng mabigat na kaso ang mga responsable sa kapabayaan at iregularidad.

Nauna nang ipinag-utos ng Commission on Audit (COA) ang pagsasagawa ng fraud audit sa lahat ng flood control projects sa Bulacan, na nakatanggap ng pinakamalaking bahagi ng pondo sa Central Luzon mula 2022 hanggang 2025.
Tugon ito sa pahayag ni Marcos sa kanyang 4th State of the Nation Address (SONA), kung saan inatasan niyang siyasatin ang lahat ng multi-billion peso flood control projects sa buong bansa. Ayon sa Malacañang, pag-aaralan ang magiging resulta ng COA findings bago tuluyang magpasya kung isasampa ang mga kaso laban sa mga sangkot.
Kasabay nito, muling hinimok ng Pangulo ang publiko na magsumbong ng anumang anomalya at iregularidad sa mga flood control project sa pamamagitan ng Sumbong sa Pangulo website. #
