E-Governance Act, ganap nang batas; mas mabilis na serbisyo publiko, asahan na

Isa nang ganap na batas ang Republic Act 12254 o mas kilala bilang E-Governance Act, matapos itong lagdaan ni President Ferdinand Marcos, Jr. nitong September 5. Layunin nitong gawing moderno at digital ang lahat ng serbisyo ng pamahalaan para sa mas mabilis at episyenteng transaksyon.
Sa ilalim ng bagong batas, gagamit na ng iisang online system at portal na magsisilbing sentro ng lahat ng transaksyon sa gobyerno, mula sa aplikasyon, pagbabayad hanggang sa pagkuha ng mahahalagang dokumento sa national government offices at mga LGU.
Saklaw din ng batas ang paggamit ng digital signatures, online payments, at cloud-based platforms upang mabawasan ang papel, pabilisin ang serbisyo, at maiwasan ang red tape at katiwalian.
Ang Department of Information and Communications Technology (DICT) ang mangunguna sa pagpapatupad ng batas, katuwang ang iba pang ahensya at tanggapan para maitayo at mapanatili ang kinakailangang digital infrastructure. Responsibilidad din ng DICT na tiyakin ang interoperability ng mga platform, pangalagaan ang data privacy, at palakasin ang cybersecurity ng bansa.
Ang E-Governance Act ay bunga ng pinagsamang panukala na pangunahing inakda nina Senator Bong Go at House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, kasama ang suporta ng iba pang mga mambabatas kabilang si Senator Alan Peter Cayetano.
Matagal nang inihain ang nasabing panukala sa mga nakaraang Kongreso pero hindi ito umusad. Sa 19th Congress lang ito tuluyang naipasa, kasunod ng pagbibigay-diin ng pamahalaan sa digitalization na matatandaang naging prayoridad matapos ang karanasan ng bansa sa Covid-19 pandemic. #
