DSWD, handang tumulong sa publiko ngayong Semana Santa
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na nakaalerto ang kanilang disaster response teams mula sa Central Office at 16 na Field Offices ngayong Semana Santa upang agad na makaresponde sa anumang insidente.
Ayon kay DSWD Assistant Secretary at spokesperson Irene Dumlao, mananatiling naka-standby ang Quick Response Teams (QRT) ng ahensya buong linggo ng Semana Santa, alinsunod sa direktiba ni Secretary Rex Gatchalian.

Batay sa ulat ng Disaster Response Operations Monitoring and Information Center (DROMIC) nitong Martes, April 15, mayroong higit ₱92-milyon na standby funds at mahigit 2.7 milyong family food packs (FFPs) ang nakaimbak sa mga warehouse ng DSWD sa buong bansa.
Kasabay nito, patuloy ang koordinasyon ng DSWD sa Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) at iba pang kaugnay na ahensya upang mabantayan ang mga maaaring makaapekto sa bansa sa mga darating na araw.
Binigyang-diin din ni Dumlao na bagama’t layunin ng DSWD ang isang payapa at ligtas na paggunita ng Semana Santa, nananatili pa rin ang banta ng mga sakuna—natural man o gawa ng tao—kaya’t mahalagang matiyak ang kahandaan ng ahensya sa mabilis na pagresponde sa anumang insidente.
Hinikayat din niya ang publiko na unahin ang kaligtasan, partikular ang mga uuwi sa kani-kanilang probinsya, at maging maingat at mapagmatiyag sa biyahe upang maiwasan ang aksidente o aberya. #
