Driver ng jeep sa Mabalacat, inireklamo dahil sa hindi pagbibigay ng sukli
By: Yvonne Santos, CLTV36 Intern
Nagsampa ng reklamo sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Region 3 ang isang commuter matapos umano itong hindi bigyan ng sukli ng driver ng pampasaherong jeep na kanyang sinakyan papunta sa Dau, Mabalacat City.
Ayon sa nagrereklamo, iniabot umano nito ang kanyang ₱20 na bayad sa barker ng sinasakyang jeep ngunit hindi raw ibinalik sa kanya ang ₱8 na sukli.
Nang malapit na itong bumaba, hiningi raw nito ang kanyang sukli ngunit tumanggi umano itong ibigay ng naturang drayber.
Inihain ng complainant ang kanyang reklamo noong December 30, 2022 at pagkatapos ay nagpadala ng show cause order ang LTFRB sa driver ng jeep noong January 13 upang ibahagi kung bakit hindi ito nag-abot ng sukli.
Nagkaroon din ng hearing sa pagitan ng dalawang panig nitong February 8.
Gayunpaman, napatunayan na nag-overcharge umano ang nasabing drayber dahil nilabag nito ang mga tuntunin na nakasaad sa kanilang certificate of public convenience o prangkisa sa bisa ng order na inilabas nitong Miyerkules, February 22.
Inutusan ding magbayad ng multa ang driver na nagkakahalaga ng ₱5,000 bilang penalty sa kanyang violation.
Bunsod ng naturang insidente, nagpaalala ang LTFRB Region 3 sa lahat ng driver at operator na sumunod sa Standard Fare Matrix ng LTFRB at siguraduhing nakapaskil ito sa mga pampublikong sasakyan.
Kailangan din umanong magbigay ng naaangkop na discount para sa mga estudyante, senior citizen at PWD alinsunod sa Republic Act No. 11314 o ang Student Fare Discount Act.