DPWH, tumanggap ng report na may ibang contractor sa Candating Flood Control Project
Kinumpirma ni Sec. Vince Dizon ng Department of Public Works and Highways (DPWH) na nakatanggap sila ng report na may ibang contractor ang kontrobersyal na flood control project sa Brgy. Candating, Arayat, Pampanga.
Sa pagbisita ng kalahim kasama si Independent Commission on Infrastructure (ICI) Chief Adviser Mayor Benjamin Magalong sa proyekto nitong Martes, September 23, tinanong niya mismo si Engr. Edgardo Sagum kung siya ba talaga ang gumagawa nito.
Si Sagum ang may-ari ng Eddmari Construction Trading Co., ang nakalagay na contractor ng higit ₱300 million na flood control project na gumuho noong 2024 isang taon matapos makumpleto.
Giit ni Sagum, siya ang gumawa sa proyekto at hindi na ito pina-sub contract, bagay na ipinagbabawal ng batas.
Tila hindi naman kuntento si Dizon sa sagot ng inhinyerong kabalen at sinabing malalaman din niya ang totoo sa takdang panahon. #
