DOTr Sec. Dizon, bumuo ng opisina para sa pag-monitor ng mga big-ticket transpo project
By Acel Fernando, CLTV36 News
Naglabas ng Department Order si Department of Transportation (DOTr) Secretary Vince Dizon nitong Miyerkules, February 26 hinggil sa pagbuo ng Flagship Project Management Office (FPMO).
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pabilisin ang implementasyon ng mga pangunahing transport infrastructure project sa bansa.

Sa ilalim ng Department Order 2025-002, ang DOTr-FPMO ang mangunguna sa pagbuo ng mga polisiya, paglalaan ng pondo, at pagsubaybay sa pagpapatayo ng mga priority infrastructure flagship projects (IFPs). Kabilang sa mga proyektong ito ang:
• Metro Manila Subway Project
• North-South Commuter Railway Project
• EDSA Busway Project
• EDSA Greenways Project
• Cebu Bus Rapid Transit
• Davao Public Transport Modernization Project
Bilang Chair ng FPMO, tiniyak ni Dizon na siya mismo ang mangunguna sa pagsubaybay sa bawat proyekto. Aniya, magtatakda siya ng malinaw na timeline at mga deadline upang matiyak ang mabilis na implementasyon.
Bukod dito, makikipagtulungan umano ang DOTr-FPMO sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno at sektor ng DOTr upang mapabilis ang monitoring at pagsusuri sa mga proyekto.
Si Dizon ay itinalaga bilang bagong Kalihim ng DOTr nito lamang February 21, kapalit ni Jaime Bautista na nagbitiw sa pwesto dahil sa health reasons.
Sa kanyang panunungkulan, layunin daw ni Dizon na pabilisin ang mga proyekto sa ilalim ng “Build Better More” infrastructure program ng kasalukuyang administrasyon upang mapabuti ang sistema ng transportasyon sa bansa at mapagaan ang kalbaryo ng mga commuter.