DOST-Bulacan, sinimulan na ang training para sa 2025 NLE Electoral Board
By Acel Fernando, CLTV36 News
Nagsimula na ang Department of Science and Technology (DOST – Bulacan) sa pagsasanay at certification ng 5,102 members ng Electoral Board (EB) bilang paghahanda sa halalan sa May 12, 2025.
Layunin nito na matiyak na handa at may sapat na kaalaman ang mga EB sa paggamit ng bagong Automated Counting Machines (ACMs).

Ayon kay DOST Bulacan Director Angelina Parungao, may theoretical at practical examinations para masukat ang kanilang kasanayan.
Bago ito, dumaan muna sa training ng Comelec ang mga EB kung saan itinuro ang wastong paggamit at pag-setup ng makina, pati na ang pagresolba ng mga aberya.
Ang Bulacan ang unang lalawigan sa Central Luzon na nagsagawa ng certification. Susunod ang iba pang probinsya gaya ng Pampanga, Bataan, Zambales, Tarlac, Nueva Ecija, at Aurora.
Aabot sa 21,058 EB sa buong rehiyon ang kailangang sertipikahan. Katuwang dito ang DOST-Philippine Science High School Central Luzon Campus at DOST-Advanced Science and Technology Institute.
Kasabay ng pagsasanay, patuloy din ang pagsusuri sa mga makina upang tiyakin na magiging maayos ang takbo ng halalan. #