DOJ Sec. Remulla, ibinunyag na may multiple passport si Roque; dating tagapagsalita, itinanggi ang paratang
Kinumpirma ni Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla na kasalukuyang kumikilos ang Department of Foreign Affairs (DFA) para kanselahin ang passport ni dating Presidential Spokesperson Harry Roque, na nasa Netherlands para sa kanyang asylum application.
Ayon kay Remulla, malilimitahan ang galaw ni Roque sa ibang bansa kapag wala na itong passport. Isiniwalat din niya na maaaring may dalawa o higit pa umanong passport ang former spokesperson, pero ang mahalaga, aniya, ay mapilitan siyang harapin ang mga kaso niya sa Pilipinas.
Kasama si Roque sa mga nahaharap sa kasong qualified human trafficking sa ilalim ng Republic Act No. 9208 o ang Anti-Trafficking in Persons Act of 2003, kaugnay ng pagkakasangkot niya sa isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hub sa Porac, Pampanga.
Paliwanag pa ni Remulla, kung hindi siya mabibigyan ng asylum, maituturing siyang isang “undocumented alien” at posible ring ipa-deport ng gobyerno ng Netherlands. Kumpiyansa naman ang Kalihim na malabong makakuha ng proteksyon si Roque dahil kilala umano ang bansang Netherlands sa pagtutol sa human trafficking.
Samantala, naglabas na rin ng hold departure order laban sa mga kasabwat ni Roque upang hindi makalabas ng bansa, lalo na’t may mga dayuhan na sangkot sa kaso.
Sa isa namang Facebook post nitong Martes, May 27, mariing pinabulaanan ni Roque ang naging pahayag ni Secretary Remulla. Tinawag niyang fake news ang sinabi ng Kalihim na siya ay may multiple passports.
Paliwanag niya, bagama’t tatlo ang hawak niyang passport, isa lang sa mga ito ang valid.
“Ang nangyari po kasi ito po yung passport na sinasabi niya na pangalawa kong passport tingnan niyo po may butas. Now, bakit po may butas? Kasi kanselado na po yan. At bakit naging kanselado na yan? Nakansela po yan dahil nga wala nang pahinang available dahil nung ako naman po ay nagpa-practice at international law ang aking practice nung ako’y biyahe nang biyahe. So, lahat ng pahina ko punong-puno na. So, bagama’t ang validity nito ay sa 2029 pa, eh 2025 puno na siya, kailangan ko nang kumuha ng bagong passport ngayon palang. So, at anytime, tatlo ang dala kong passport pero iisa lang ang valid na passport yung valid lang na in-issue for the current period yung walang butas,” ani Roque.
Dagdag pa ni Roque, ang ginagamit niyang valid passport ay nasa Dutch authorities bilang bahagi ng kanyang asylum application. #
