Direktang pagbili ng produkto ng mga lokal na magsasaka at mangingisda, ipinag-utos sa bisa ng Sagip Saka Act
Bilang tugon sa panawagan para sa mas maunlad na sektor ng agrikultura, ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ganap na implementasyon ng Sagip Saka Act sa ilalim ng Executive Order No. 101.
Sa nasabing kautusan, inaatasan ang lahat ng government agency, kabilang ang government-owned or -controlled corporations o GOCCs, state universities and colleges, at lokal na pamahalaan na iayon ang kanilang mga programa sa layuning mapaganda ang kita ng mga nasa sektor ng agrikultura at pangingisda.
Bukod dito, direkta na ring bibili ang mga ahensya ng gobyerno ng agricultural and fishery products mula sa mga accredited farmers and fisherfolk cooperatives and enterprises o FFCEs.
Sa ilalim nito, hindi na kailangang dumaan sa tradisyunal na bidding process ang pagbili dahil papayagan ito sa ilalim ng negotiated procurement alinsunod sa umiiral na mga batas at regulasyon.
Itinatakda rin ng naturang Executive Order na ang mga pagkaing inihahain sa mga government events at canteen ay dapat magmula sa mga FFCEs upang maisulong ang pagkonsumo ng mga locally produced product.
Magtatatag naman ang Department of Agriculture ng Sagip Saka Desks sa mga regional at field offices nito na magsisilbing sentro ng impormasyon, tulong, at koordinasyon.
Ayon sa EO 101, ang Farmers and Fisherfolk Enterprise Development Council ang mangangasiwa sa pagpapatupad at mag-uulat sa Pangulo ng progreso nito.
Matatandaang taong 2019 pa nang maging isang ganap na batas ang Sagip Saka Act na inakda ni ngayo’y Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform Senator Kiko Pangilinan. #
