Dinukot na negosyante sa Cabanatuan City, ligtas na; mastermind sa krimen, pinsan ng biktima
Matagumpay na nailigtas ng Nueva Ecija Police Provincial Office (NEPPO) ang isang 59-anyos na negosyante na dinukot nitong Lunes, January 26, matapos ang mabilis na kilos ng mga otoridad. Pinangunahan ng NEPPO ang operasyon, katuwang ang iba’t ibang yunit ng pulisya sa Cabanatuan City at karatig-lugar.
Batay sa impormasyon, bandang 7:52 AM nang sapilitang dukutin ang biktima sa Brgy. Kapitan Pepe, Cabanatuan City, habang papasok sa bodega. Tinangay din ng tatlong suspek ang pulang pick-up ng biktima at tumakas. Humingi umano ang mga suspek ng limang milyong pisong ransom kapalit ng kalayaan ng biktima.
Habang tumatakas patungong Brgy. Bakod Bayan, nasangkot ang mga suspek sa hit-and-run na ikinasugat ng dalawang sibilyan. Agad namang dinala sa PJG Hospital ang mga nasugatan para sa gamutan.
Ligtas na na-recover ang biktima sa Amorville, Purok 1, Brgy. Bakod Bayan. Natagpuan ang ninakaw na sasakyan sa Sitio Hacienda, Purok 2, ng kaparehong barangay. Dahil na-flat ang kanilang gulong, iniwan ito ng mga suspek bago magkakahiwalay na tumakas sakay ng ibang sasakyan o pampublikong transportasyon patungong Sitio Parugrog, Brgy. Kalikid Sur, na nagresulta sa hot pursuit operations.
Sa tulong ng tracking data mula sa ninakaw na cellphone ng biktima, natunton at naaresto bandang 5:52 PM sa Sitio Daang Bakal, Brgy. San Juan, San Miguel, Bulacan ang 49-anyos na AWOL na pulis, residente ng Brgy. Mabini Extension, Cabanatuan City, habang tinatangka umanong ipagbili ang gadget.
Pinsan ng kinidnap ang salarin na itinuturing umanong mastermind ng krimen.
Sa mga sumunod na operasyon, naaresto rin ang dalawa pang suspek: isang 34-anyos na residente ng Brgy. Barrera, Cabanatuan City, at isang 27-anyos na lalaki, may asawa at residente ng Palayan City, Nueva Ecija, sa kani-kanilang barangay.
Inihahanda na ang mga kasong kidnapping sa ilalim ng Article 267 ng Revised Penal Code laban sa lahat ng naarestong suspek. #
