DICT at social media platforms, sanib-pwersa kontra trolls at fake news sa Halalan 2025
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Pinagtitibay ng Department of Information and Communications Technology (DICT) at Commission on Elections (Comelec) Advisory Council (CAC) ang mga hakbang upang tiyakin ang seguridad at integridad ng halalan, lalo na laban sa mga banta sa cyberspace para sa nalalapit na National at Local Elections 2025.
Sa kanilang isinagawang pagpupulong noong April 15, iginiit ni DICT Secretary Henry Aguda ang pangangailangang maging mapanuri sa gitna ng lumalalang online threats gaya ng fake news, deepfakes, at troll armies.
Kinilala rin ng CAC ang mahalagang papel ng social media platforms sa halalan at ikinatuwa ang pagtugon ng higanteng tech companies, gaya ng TikTok, Google, at Meta, na ipagbawal ang paid political ads sa kanilang platforms. Sinimulan na ng Google ang pagbabawal simula pa ng opisyal na campaign period.
Samantala, tinalakay rin sa pulong ang mga update mula sa Comelec briefing, mga rekomendasyon ukol sa digital at automated election systems, at ang timeline ng pagsusumite ng input para sa mga reporma.
Kabilang sa mga inisyatibo ng DICT ang pagtatayo ng Configuration Hubs. Ilulunsad din ang online services tulad ng Precinct Results Finder, Registration Status Verifier, at Election Results Website upang matiyak ang real-time transparency.
Sa usaping cybersecurity, isinasagawa ng DICT Cybersecurity Bureau ang Vulnerability Assessment at Penetration Testing (VAPT) upang maiwasan ang anumang digital threats.
Bukod dito, inilalatag din ang paggamit ng Philippine National Public Key Infrastructure (PNPKI) digital certificates para sa mga guro na magsisilbing Electoral Board Members upang matiyak ang integridad ng data.
Tiniyak naman ng DICT na magpapatuloy ang digital bayanihan upang mapanatiling ligtas ang boto ng bawat Pilipino. #