DepEd Region III, kauna-unahang Konsulta Provider ng PhilHealth sa buong bansa
Kinilala ang Department of Education (DepEd) Region III bilang kauna-unahang Regional Konsulta Provider Clinic ng PhilHealth sa buong bansa matapos ang ginanap na Commitment Signing at Ribbon-Cutting Ceremony sa Aquino Hall, DepEd Regional Office, City of San Fernando, Pampanga nitong Huwebes, May 15.
Ang pagkilalang ito ay bunga ng pagtutulungan nina DepEd Region III Assistant Regional Director Jessie L. Amin at PhilHealth Region III Acting Vice President Henry V. Almanon, sa pangunguna ni DepEd Regional Director Ronnie S. Mallari, DepEd Medical Officer IV Dr. Jose Ezra D. Rostrata, at PhilHealth San Fernando Head Ma. Elizabeth B. Capuli at kanyang team.

Dahil sa akreditasyong ito, makatatanggap na ng mga serbisyong pangkalusugan tulad ng libreng check-up, laboratory tests, at maintenance medicine ang mga guro, estudyante, kawani ng DepEd Region III, at maging ang kanilang mga pamilya sa ilalim ng PhilHealth Konsulta Program.
Suportado ng programang ito ang adbokasiya ni DepEd ARD Amin na “happier communities through 3 pillars of life”: kalusugan, professional and personal development, at maayos na relasyon. Layunin din ni AVP Almanon na palawakin ang Konsulta Program sa buong Gitnang Luzon upang mas maraming miyembro ang makinabang sa mga benepisyong pangkalusugan ng PhilHealth.

Bukod dito, kasama rin sa kampanya sa kalusugan ng rehiyon ang paglalagay ng PhilHealth Learners’ Material (PLM) sa DepEd Portal simula pa noong 2024 upang mapaigting ang kaalaman ng mga guro at estudyante sa mga benepisyo at serbisyo ng PhilHealth. #
