Deadline sa paggamit ng improvised, temporary license plates, iniatras na sa December 31
Ipinagpaliban ng Land Transportation Office (LTO) ang pagbabawal sa paggamit ng improvised at temporary license plates o plaka ng mga sasakyan at motorsiklo. Sa halip na September 1, iniatras na ng ahensya ang deadline sa December 31, 2024.
Ito raw ay upang magkaroon ng pagkakataon ang lahat ng motorista na ma-install ang kani-kanilang mga plaka sa oras na available na ito o maaari nang kunin sa mga car dealership, o di kaya’y sa kanilang tanggapan para naman sa replacement plates.
Matatandaang noong July 1, inilabas ng LTO ang Memorandum Circular VDM-2024-272 na nagbabawal sa paggamit ng unofficial at temporary license plates. Ito’y matapos umano nilang madiskubre na marami sa mga bagong may-ari ng sasakyan ang nagpapabaya at laging ipinagpapaliban ang pagkuha sa kanilang opisyal na plaka mula sa kanilang mga car dealership.
Ayon sa LTO, sa kabila ng pagpapaalala ng mga car dealer sa kanilang mga customer na kunin ang kanilang mga plaka, libu-libong license plate pa rin ang nananatiling ‘unclaimed’.
Kaugnay nito, inatasan na raw ni LTO Assistant Secretary Vigor Mendoza ang mga regional director pati na rin ang kanilang mga district office na makipagtulungan sa lahat ng local government unit hinggil sa pamamahagi ng mga plaka.
Aniya, mahalaga ang paglalagay ng opisyal na plaka dahil makatutulong ito upang makaiwas sa krimen, lalo na ngayong talamak raw ang mga sasakyan na ginagamit para sa mga ilegal na aktibidad.
Tiniyak rin ng ahensya na wala na umanong backlog ng license plate para sa four-wheel vehicles kaya naman wala na ring dahilan ang mga motorista na ipagpaliban ang pagkuha at paglalagay nito sa kanilang mga sasakyan.