DBM Sec. Pangandaman, umapela sa Kongreso na ipasa na ang FOI bill
Muling nanawagan si Department of Budget and Management (DBM) Secretary Amenah Pangandaman sa mga mambabatas na agarang ipasa ang matagal nang nakabinbing Freedom of Information (FOI) bill, na aniya’y susi sa pagpapalalim ng transparency at partisipasyon ng mamamayan sa pamahalaan.
Sa kanyang talumpati sa pagtatapos ng Open Government Week sa Quezon City, binigyang-diin ni Pangandaman na mahalaga ang access sa impormasyon para makamit ang layunin ng isang bukás na pamahalaan.
Ipinagmalaki naman niya ang pagbuti ng ranggo ng Pilipinas sa World Press Freedom Index 2025 at pagiging pinaka-transparent sa usapin ng budget sa buong Asya. Gayunpaman, kulang pa rin umano ito hangga’t wala pang batas na magpapatupad ng karapatan sa impormasyon.
Bagama’t wala pang national law para dito, pinuri niya ang mga local government units (LGU) na may sariling FOI ordinance at hinimok ang iba pang lokal na pamahalaan na sumunod. Nakipag-ugnayan na rin daw ang DBM sa mga kinatawan ng iba’t ibang sektor upang maisapinal ang panukalang FOI bill na isusumite sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
Tiniyak din ni Pangandaman na patuloy ang DBM sa pagsusulong ng mga repormang nagpapalakas sa transparency, kabilang na ang bagong Government Procurement Act at Public Financial Management Reforms Roadmap. #
