Dating Bamban Mayor Alice Guo, sinampahan ng mga kaso kaugnay ng negosyo sa Bulacan

Sinampahan ng kasong kriminal ng National Bureau of Investigation (NBI) si dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo at ilan pang miyembro ng kanyang pamilya.
May kaugnayan ito sa umano’y falsification at paglabag sa Anti-Dummy Law kaugnay ng pagbili nila ng lupa at pagtatayo ng negosyo sa Marilao, Bulacan.
Ayon sa NBI-Bulacan South District Office, kabilang sa isinampang reklamo ang 30 counts ng simulation of minimum capital stock at four counts ng falsification of public documents para sa mga pekeng aplikasyon ng business, occupancy, at building permits.
Lumabas sa imbestigasyon na si Guo at kanyang mga kaanak ay nakapagtayo ng ilang kumpanya sa Marilao, kabilang ang QJJ Group of Companies Inc., Q-Seed Genetics Inc., QJJ Meat Shop Inc., QJJ Slaughter House Inc., QJJ Smelting Plant Inc., at QJJ Embroidery Center Inc., na lahat ay nakarehistro sa parehong address.
Natuklasan din na idineklara nina Guo at iba pang pamilya na sila ay mga Pilipino sa articles of incorporation ng naturang mga kumpanya upang ma-control ang mayorya ng shares, taliwas sa tunay nilang estado.
Bukod dito, sinampahan pa si Guo ng 6 counts ng falsification of public documents dahil umano sa pagpeke rin ng deed of sale at documentary stamp sa pagbili ng lupa na nagkakahalaga ng ₱2 million noong 2010. #
