Dalawang suspek, arestado sa magkahiwalay na operasyon sa Bulacan
By Ches Evangelista, CLTV36 News
Dalawang suspek ang naaresto sa magkahiwalay na operasyon ng pulisya sa Bulacan. Isa rito ay kabilang sa listahan ng mga wanted sa probinsya, habang ang isa naman ay nahuli dahil sa illegal possession of firearms.
Nasakote ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC), kasama ang Calumpit Municipal Police Station, PIT Bulacan West, at 301st MC RMFB, ang isang lalaki sa Barangay Pio Cruzcosa, Calumpit nitong Linggo, October 5, bandang 2:45 PM.

Ayon kay PMaj. Norheda Usman, ang suspek na kilala sa alyas na “Carlo” ay kabilang sa Top 2 Most Wanted Persons sa provincial level at Top Most Wanted sa municipal level. Nahuli siya sa bisa ng Warrant of Arrest sa kasong Statutory Rape.
Samantala, timbog naman ang isa pang lalaki sa Oplan Sita sa Santa Maria, Bulacan nitong Lunes, October 6, bandang 1:30 AM.

Batay sa ulat ni PLtCol. Voltaire Rivera, napansing hindi nakasuot ng helmet ang suspek habang bumabyahe sa kanyang motorsiklo. Nagtangkang tumakas ang lalaki nang pinahinto ng pulisya, ngunit nahuli siya at nasamsam ang isang improvised firearm o sumpak na may kalibre .45.
Dinala na ang suspek sa Sta. Maria MPS at isinampa na ang kaso sa Office of the Provincial Prosecutor, Malolos City, Bulacan dahil sa paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act. #
