Dagdag ₱4-B na pondo, posibleng kailanganin ng Comelec kung maantala ang BSKE 2025
Posibleng humiling ang Commission on Elections (Comelec) sa Kongreso ng karagdagang ₱4 billion kung ipagpapaliban sa susunod na taon ang Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, gagamitin ang dagdag na pondo para sa halos 2.8 milyong bagong botante na nagparehistro mula August 1 hanggang 10, pati na rin sa sahod ng mga guro at pagbili ng election paraphernalia.
Kasalukuyan nang may ₱11 billion na nakalaang pondo para sa halalan sa December 1. Ngunit sinabi ni Garcia na kailangan pa rin ng dagdag na pondo para sa karagdagang balota, presinto, at iba pang gastusin sakaling madagdagan pa ang bilang ng botante.
Batay sa tala ng Comelec, mahigit 2.7 milyong aplikasyon ang natanggap nila sa loob ng 10 araw na voter registration.
Pinakamataas ang bilang sa CALABARZON na umabot sa mahigit 320 thousand at pinakakaunti sa Cordillera Administrative Region na may higit 48,000 lamang.
Sa Central Luzon, mahigit sa 220,000 ang nagpa-register.
Bagama’t nagpapatuloy ang paghahanda para sa nakatakdang halalan ngayong Disyembre, sinabi ni Garcia na tuloy-tuloy pa rin ang procurement process para hindi maantala ang supply kung sakaling matuloy ang BSKE ngayong taon.
Sa kasalukuyan, hinihintay pa rin ang paglagda ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa panukalang maglilipat sa BSKE sa unang Lunes ng November 2026. #
