DA Sec. Laurel, kumpiyansang magpapatuloy ang “BBM Na” program sa kabila ng courtesy resignation
Tiniyak ni Department of Agriculture (DA) Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na magpapatuloy ang programang “Benteng Bigas, Meron Na” o “BBM Na”, sa kabila ng kanyang pagsusumite ng courtesy resignation.
Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ngayong Martes ng umaga, May 22, para sa umano’y revamp sa buong gabinete ng kanyang administrasyon matapos ang 2025 National and Local Elections.
Ayon kay Marcos Jr., malinaw ang mandato ng taumbayan at inaasahan nila ang tunay na resulta. Hindi umano ito tungkol sa personalidad kundi sa performance at kagyat na aksyon. Sinabi rin ng Pangulo na ang mga nagsilbi nang maayos ay kikilalanin, ngunit hindi na dapat manatili sa comfort zone ang pamahalaan.
Sa ulat ng Philippine News Agency, sinabi ni Laurel na maayos ang plano at sistema para sa naturang programa, kaya’t tiwala umano siyang magpapatuloy ito kahit siya ay mapalitan.
Sa ilalim ng BBM Na program, ibinebenta ang dekalidad na milled rice mula sa aging stocks ng National Food Authority (NFA) sa halagang 20 pesos kada kilo.
Sa kasalukuyan, available na ito sa 38 KADIWA ng Pangulo sites sa Metro Manila, Central Luzon, Calabarzon, at Mimaropa, at sinimulan na rin ng 16 LGUs sa Cebu ang implementasyon.
Saklaw ng Phase 1 ng programa ang ilang bahagi ng Visayas, habang ilulunsad ang Phase 2 sa July sa mga piling lugar sa Mindanao. Susundan ito ng ikatlong yugto na magpapatuloy sa iba pang rehiyon sa bansa.
Bagama’t naghain ng resignation, ipinahayag ni Sec. Laurel na handa siyang ipagpatuloy ang kanyang tungkulin habang naghihintay sa magiging desisyon ng Pangulo. #
