DA, nanawagan sa publiko na huwag bumili ng imported rice na lampas ₱43/kilo

Hinikayat ng Department of Agriculture (DA) ang publiko na huwag bumili ng imported na bigas na ibinebenta ng rice retailers nang lampas ₱43 kada kilo.
Nagbabala si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel na posible umanong samantalahin ng mga tindero ng bigas ang 6-day suspension ng rice importation na nagsimula nitong Lunes, September 1. Aniya, dapat isumbong agad ang mga retailer na nag-o-overprice.
Itinakda ng DA ang maximum suggested retail price ng 5% broken imported rice sa ₱43 hanggang ₱43.50 centavos per kilo. Paliwanag ng kalihim, ang presyong hihigit pa rito ay malinaw na pananamantala lalo na’t sapat umano ang kasalukuyang imbentaryo ng bigas.
Batay sa tala ng Bureau of Plant Industry, umabot na sa 2.67 million metric tons ang inangkat na bigas.
Kaugnay nito, tiniyak ng kagawaran na patuloy ang kanilang pagbabantay sa mga palengke sa buong bansa upang mapanatiling patas at makatuwiran ang presyuhan ng bigas habang epektibo ang suspensyon sa pag-aangkat.
Matatandaan na nitong August 29, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang Executive Order (EO) 93 na nag-aatas sa DA na pangunahan at i-monitor ang implementasyon ng dalawang buwang rice importation suspension ng regular milled at well-milled rice simula ngayong September hanggang October 30, maliban na lang kung paiikliin o palalawigin ito.
Hindi sakop ng EO ang specialty rice varieties na hindi karaniwang itinatanim ng mga lokal na magsasaka.
Magiging katuwang ng ahensya ang Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) at ang Department of Trade and Industry (DTI). Gagawa ang mga ito ng komprehensibong mga ulat sa lokal na suplay ng bigas at umiiral na presyo sa merkado.
Layunin ng hakbang na ito na mabigyan ng sapat na espasyo ang lokal na ani, mapatatag ang presyo, at matiyak na maibebenta ng mga Pilipinong magsasaka ang kanilang palay sa makatarungan at abot-kayang halaga. #
