CSFP, patuloy na isinusulong ang Safe Spaces Act
By Acel Fernando, CLTV36 News
“Bawal ang bastos!”
Ito ang mariing paalala ng City Government of San Fernando sa kanilang mga empleyado at mamamayan, kasabay ng isinagawang seminar nitong Miyerkules, March 19, tungkol sa Republic Act 11313 o Safe Spaces Act, na mas kilala bilang Bawal Bastos Law.

Layunin nito na palakasin ang kaalaman ng bawat isa sa mga proteksyong ipinagkakaloob ng batas laban sa gender-based harassment, sa pampublikong lugar man, online, o sa loob ng mga paaralan at workplace.
Pinangunahan ng City Human Rights Action Center Team (HRAcT) ang seminar, kasama ang Gender and Development Focal Point System, Committee on Decorum and Investigation, at mga human rights focal person mula sa iba’t ibang opisina ng syudad.
Sa isang mensahe, tiniyak ni Acting City Administrator at CSF HRAcT Chairperson Engr. Michael Quizon, na ang syudad ay mananatiling ligtas para sa lahat ng Fernandino.

Samantala, pinasalamatan naman ni City Legal Officer Atty. Jose Elmer Teodoro ang mga tagapagsalita mula sa Commission on Human Rights – Region 3 at nangakong patuloy nilang susuportahan ang mga programang nagsusulong ng kaalaman at nagtataguyod sa karapatan ng mamamayan.
Bukod sa Safe Spaces Act, tinalakay din sa seminar ang Human Rights-Based Governance pati na rin ang mga mandato ng Human Rights Action Center at ang kahalagahan ng Rule of Law. #