Crisis committee sa langis, bubuuin ng gobyerno sa gitna ng Middle East tension
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang pagbuo ng crisis committee na tututok sa pagpapanatili ng tuloy-tuloy na supply ng langis sa bansa at pagbawas sa epekto ng tensyon sa Middle East sa mga mamimili.
Ayon sa Malacañang, layunin nitong bantayan ang supply chain hindi lamang ng produktong petrolyo kundi pati na rin ng mga pangunahing bilihin. Kasalukuyang isinasapinal ang opisyal na dokumento para sa komite.
Samantala, nilinaw naman ng pamahalaan na wala pang nararanasang oil crisis ang Pilipinas dahil sapat pa umano ang oil supply hanggang unang linggo ng Mayo, batay sa ulat ng Department of Energy (DOE).
Patuloy ring nakikipag-ugnayan ang gobyerno para sa karagdagang fuel imports, kabilang ang daan-daang libong bariles ng langis na inaasahang darating upang maiwasan ang kakulangan sa supply.
Ipinaliwanag rin ng Malacañang na ang pagtaas ng presyo ng langis ay nakabatay sa galaw ng world market alinsunod sa Oil Deregulation Law.
Bagama’t hindi raw direktang kinokontrol ng pamahalaan ang pump prices, maaari naman silang umaksyon laban sa posibleng pananamantala.
Sa huli, tiniyak ng Palasyo na patuloy nilang mino-monitor ang sitwasyon at naghahanda ng mga hakbang upang maibsan ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis sa publiko. #
