Creamline, out sa 2025 PVL Finals matapos talunin ng Kobe Shinwa

Tuluyan nang natuldukan ang kampanya ng Creamline Cool Smashers sa 2025 PVL Invitational Conference matapos ang pagkatalo sa Kobe Shinwa University sa PhilSports Arena, Pasig nitong Martes, August 26.
Nagtapos ang kanilang dikdikang laban sa scores na 27-25, 25-23, 23-25, 25-21, dahilan upang mawalan ng tsansa para sa finals slot ang dating 10-time champion.
Bagama’t sinubukang bumawi ng Creamline sa 3rd set, hindi na nila nagawang pigilan ang matinding bilis at disiplina ng Japanese squad.

Sa 4th set, mabilis na nakalamang ang Kobe Shinwa at kahit lumapit pa ang Creamline sa endgame, kinapos sila para itulak ang laban sa deciding set.
Nanguna sina Pangs Panaga at Jema Galanza na kapwa nagtala ng 20 points, habang nag-ambag sina Alyssa Valdez at Michele Gumabao ng 9 at 8 points. Gayunpaman, hindi sapat ang kanilang produksyon laban sa balanseng atake ng Kobe Shinwa.

Sa depensa, pinangunahan ni Galanza ang koponan sa digs at receptions, habang si Kyle Negrito naman ay nagtala ng 22 excellent sets. Sa kabila ng kanilang pagsisikap, hindi pa rin napanatili ng Creamline ang composure sa mga kritikal at nalalabing sandali ng laban.
Ito ang unang beses na hindi makapaglalaro sa finals ang Creamline sa nakalipas na walong taon kasunod ng kanilang grand slam last year. #
