Conclave para sa paghalal ng bagong Santo Papa, itinakda sa May 7
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
VATICAN CITY — Itinakda sa May 7, 2025 ang pagsisimula ng Conclave para sa paghalal ng ika-267 na Santo Papa, kasunod ng pagtatapos ng Novemdiales o siyam na araw ng panalangin at pagluluksa para sa yumaong Pope Francis na kilala rin bilang “People’s Pope.”
Pinagtibay ng College of Cardinals na binubuo ng humigit-kumulang 180 Cardinal, kabilang ang higit sa 100 Cardinal Electors, ang nasabing petsa sa kanilang ikalimang General Congregation sa Vatican. Gaganapin ang Conclave sa Sistine Chapel, na pansamantalang isasara sa publiko upang tiyakin ang pagiging pribado ng proseso.
Bilang paghahanda, ang mga Cardinal electors ay magsasagawa muna ng isang solemn Eucharistic celebration na susundan ng prusisyon patungo sa Sistine Chapel. Doon, manunumpa ng ganap na lihim at pagsunod sa mga alituntunin ng eleksyon, alinsunod sa Universi Dominici Gregis.
Sa loob ng Conclave, mahigpit na ipagbabawal ang anumang uri ng komunikasyon sa labas — kabilang ang paggamit ng cellphone, internet, media, at pagtanggap ng anumang balita. Kinakailangan ang two-thirds majority ng mga bumobotong Cardinal upang mapili ang bagong Santo Papa.
Kung walang mahihirang na Santo Papa sa loob ng tatlong araw, maglalaan ng isang araw para sa panalangin at malayang diskusyon bago ipagpatuloy ang pagboto.
Kapag nakapili na ng bagong Santo Papa, hihingin ang kanyang pormal na pagsang-ayon at pagpili ng pangalan. Sa sandaling tanggapin niya ang eleksyon, magkakaroon na siya ng ganap at kataas-taasang kapangyarihan bilang pinuno ng Simbahang Katolika. Susundan ito ng tradisyunal na pag-anunsyo ng “Habemus Papam” at pagbibigay ng Apostolic Blessing mula sa St. Peter’s Basilica.
Matapos ang Conclave, pormal namang itatalaga ang bagong Santo Papa bilang Obispo ng Roma sa pamamagitan ng seremonya sa Archbasilica ng St. John Lateran sa mga darating na araw. #
