Comelec, nilinaw na hindi binura ang lahat ng files kaugnay ng Halalan 2025
Mariing itinanggi ng Commission on Elections (Comelec) ang mga kumakalat na posts sa social media na nagsasabing binura umano ng Komisyon ang lahat ng files na may kinalaman sa 2025 National and Local Elections nitong May 12.
Giit ng Comelec, tinutukoy marahil sa naturang Facebook post ang public deletion ng ilang data files sa servers ng National Printing Office (NPO) noong May 30 na isinagawa sa harap ng mga kinatawan ng iba’t ibang political party, accredited citizens’ arms, at media.
Nilinaw ng Komisyon sa kanilang opisyal na pahayag nitong Miyerkules, June 18, na ang mga binurang datos ay ekslusibo lamang sa mga materyales na ginamit sa nakaraang eleksyon gaya ng official ballots, accountable forms, at voter information sheets (VIS).


Ipinaliwanag din nila na ang hakbang na ito ay bahagi ng kanilang security protocols upang maiwasan ang muling pag-imprenta ng mga sensitibong dokumento lalo’t nilalaman ng VIS ang ilang personal information ng mga botante. Ipinatupad ito alinsunod sa Data Privacy Act at base sa desisyon ng Comelec en banc noong May 27.
Dagdag pa ng Komisyon, binuksan sa publiko ang nasabing aktibidad at na-stream din ito nang live sa kanilang official Facebook at YouTube pages, bilang patunay ng kanilang transparency.
Hinimok ng Comelec ang publiko na huwag basta-basta maniwala sa mga kumakalat na impormasyon sa social media. Sa halip ay bisitahin ang kanilang official social media accounts o website para sa tamang impormasyon tungkol sa halalan. #
