Comelec, nakahanda sa posibleng pagkaantala ng Barangay at SK Elections sa December 1
Magkakaroon ng emergency meeting ang Commission on Elections (Comelec) sa susunod na linggo para pag-usapan ang patuloy na paghahanda para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE) na nakatakda sa December 1, 2025.
Kasabay ito ng tumitinding posibilidad ng pagpapaliban dito matapos ratipikahan ng Senado at Kamara ang bicameral committee report para sa panukalang batas na nagpapalawig sa termino ng kasalukuyang barangay at SK officials mula tatlong taon patungong apat na taon.
Ayon kay Comelec Chairperson George Garcia, tatalakayin sa pulong ang ilang usapin ng preparasyon tulad ng pagbili ng mga election paraphernalia at voter registration. Inihayag ni Garcia na may mga kagamitang hindi muna dapat bilhin sa ngayon gaya ng indelible ink, na madaling masira kung maagang bibilhin.
Binanggit din niya na posibleng ipagpaliban ang nakatakdang voter registration sa original schedule nito na July 1 hanggang July 11, 2025. Gayundin ang muling pagsuri ng poll body sa inilaang pondo para sa botohan upang matukoy kung aling bahagi ang kailangang ihinto pansamantala.
Nilinaw rin ni Garcia na hindi makikialam ang Comelec sa usapin, na aniya’y isang political decision. Bukod dito, maghihintay rin sila ng final decision mula kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. kung lalagdaan ang panukalang batas upang maging ganap na batas o i-veto at ibalik sa Senado.
Gayunpaman, susunod naman umano ang Komisyon sa mapagkakasunduan at mananatili silang nakahanda anuman ang kahinatnan ng proseso. #
