Comelec, itinangging may dayaan sa online voting ng mga OFW
Mariing pinabulaanan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga alegasyong may dayaan sa kasalukuyang internet-based voting para sa mga overseas Filipino workers (OFWs).
Ayon sa Comelec, walang basehan ang mga kumakalat na posts sa social media na nagpapakitang iba umano ang lumalabas na pangalan ng mga kandidatong na-verify sa QR code kumpara sa mga tunay na ibinoto.
Isa sa mga naglabas ng reklamo ay si Jefferson Bonoan, isang OFW sa Singapore, na nag-post ng screenshot ng kanyang boto kung saan lumalabas na bumoto siya ng 12 senador, karamihan ay mula sa PDP-Laban, at isang party list na Duterte Youth.

Subalit nang isinalang niya na raw sa scanner ang kanyang QR code para i-verify ang kanyang balota, nagulat at nadismaya umano siya dahil lumabas dito ang pangalan ng mga kandidatong hindi niya ibinoto.
Nilinaw ni Comelec Chair George Garcia na ligtas at maayos ang sistema. Paliwanag niya, ang makikita ng mga online voter ay ang encrypted script lamang ng pangalan ng lahat ng mga kandidato, at hindi lang ang kanyang mga ibinoto. Paraan daw ito upang hindi malaman ng sinuman kung sino ang inihalal ng isang botante at hindi makuhanan ng larawan na pwedeng magamit sa vote-buying.



Gaya na lamang ng pagboto gamit ang Automated Counting Machines (ACMs) na hindi pwedeng kuhanan ng litrato o iuwi ang voter’s receipt.
Samantala, nagsimula ang kauna-unahang online voting nitong Linggo, April 13, at magtatapos ito sa May 12, 2025, 7 PM (Philippine Standard Time). #