Comelec, 90-95% ready na para sa Eleksyon 2025
Nasa 90 hanggang 95 porsyento na raw ang kahandaan ng Commission on Elections (Comelec) para sa nalalapit na 2025 National and Local Elections sa May 12, ayon kay Chairperson George Erwin Garcia sa report ng Philippine News Agency (PNA).
Ayon sa opisyal, patuloy ang pagsasanay ng mga miyembro ng Board of Election Inspectors, at kasalukuyang na ring nasa verification process ang mga balotang gagamitin. Inaasahang matatapos naman ang printing ng Voter’s Information Sheet (VIS) sa March 25.

Dagdag pa niya, maaari nang magparehistro para sa internet o online voting ang publiko, at mayroon nang nakahandang link para sa mga nais bumoto online.
Nakikipagtulungan na rin daw ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa Comelec upang matiyak ang seguridad sa iba’t ibang bahagi ng bansa habang papalapit ang halalan.

Samantala, hinimok naman ni Garcia ang publiko na i-report ang mga kandidatong lumalabag sa election protocols. Aniya, sapat nang magpadala ng larawan bilang ebidensya dahil mismong Comelec na ang mag-iimbestiga at magsasampa ng kaso kung kinakailangan.
Nagpaalala rin ang opisyal sa mga kandidato na maging maingat laban sa paninira ng kanilang mga kalaban. Sakaling may banta ng paninira o paglabag, maaari silang diretsong magsumbong sa Comelec.
Magsisimula ang official campaign period para sa mga local candidates sa Biyernes, March 28, habang magtatapos naman ang lahat ng kampanya sa May 10 dalawang araw bago ang mismong eleksyon. #