CLTV36, wagi bilang Best Provincial TV Station sa 28th KBP Golden Dove Awards
Itinanghal na Best Provincial TV Station ang CLTV36 sa katatapos na 28th KBP Golden Dove Awards, isang pagkilalang dumating kasabay ng 30th anniversary ng Radioworld Broadcasting Corporation (RBC)—na kumpanyang humahawak sa istasyon.
Sa gitna ng pagbabagong teknolohikal at lumalawak na media landscape, nananatiling matatag ang CLTV36 sa pagbibigay ng makabuluhang balita at programang tumutugon sa lokal na pangangailangan.
Itinuturing ng pamunuan ng RBC na simbolo ng tagumpay ang natanggap na parangal, hindi lamang para sa kanilang istasyon kundi para sa buong organisasyon.

Binanggit ni media group head Billy San Juan na ito’y bunga ng sabay na pagtutok ng istasyon sa pagbibigay ng balita at entertainment sa mga manonood ng Central Luzon. Isa umano itong kombinasyong pinagpursigihang paunlarin sa nakalipas na tatlong dekada.
Hindi lamang ang istasyon ang pinarangalan, kundi pati ang ilang natatanging programa nito. Kabilang dito ang So To Speak, na kinilalang Best Public Service Program, at ang Agri TV Central Luzon na ginawaran bilang Best Science and Technology Program.

Para sa mga producer ng nasabing mga programa, ang pagkilalang ito ay patunay na may puwang ang local contentd na tumatalakay sa kongkretong suliranin ng mga mamamayan.
Katuwang sa Agri TV ang Department of Agriculture Region 3, na nagpahayag ng intensyong lalo pang paigtingin ang pagbibigay-serbisyo sa mga magsasaka at mangingisda ng rehiyon.

Ayon kay Ernest Payawal, Public Relations Officer, ang konsepto ng programa ay bunga ng seryosong pananaliksik at adhikaing maipaabot ang makabagong kaalaman sa sektor ng agrikultura.
Samantala, naging nominado rin sa iba’t ibang kategorya ang iba pang media units ng RBC gaya ng DWRW 95.1 FM, Radyo Agrisaka, at ang beteranong broadcaster na si Sonia P. Soto.
Ayon sa pamunuan ng RW 95.1 FM, ang mga parangal ay bunga ng pangmatagalang adbokasiya ng organisasyon na nagsimula pa sa yumaong tagapagtatag nitong si Levy P. Laus.
Patuloy na isinusulong ng KBP ang kahusayan at integridad sa industriya ng pamamahayag sa bansa sa pamamagitan ng Golden Dove Awards—na isang taunang pagkilala sa mga natatanging kontribusyon ng media sa paghubog ng isang responsableng lipunan. #
