CLTV36, nominado sa 6 categories sa 19th UP Gandingan Awards
Pitong nominasyon mula sa anim na kategorya ang nakuha ng CLTV36 sa prestihiyosong 19th ComBroadSoc Gandingan Awards ng University of the Philippines.
Nominado bilang Most Development-Oriented Talk/Discussion Program ang programang “So to Speak”, habang Most Development-Oriented Documentary ang “Cabalantian: Kwentu ning Pagasa at Pamagbangun”.


Kasama naman sa mga nominee para sa Most Development-Oriented News Story ang report na “Pagbibigay ng makatarungang kompensasyon sa Malaya Lolas, muling panawagan”, gayundin ang “Pinatubo Eruption 33rd Anniversary” at “Nicolasa Dayrit: Bayaning Fernandino” bilang Most Development-Oriented Online Short-Form Video.


Nakatanggap naman ng nominasyon bilang Best TV Program Host si Sonia P. Soto para sa “So to Speak”, habang Best Field Reporter si Leezen Nuñez para sa “Balen at Balita”.


Bitbit ang temang “Tagahabi ng Kasaysayan para sa Bayan”, malalaman ang mga nagwagi sa bawat kategorya sa gaganaping awarding sa D.L. Umali Hall, University of the Philippines-Los Baños (UPLB) sa Sabado, April 26. #