Clemency para kay Mary Jane Veloso, isinusulong sa Kamara
Isinumite na sa Kamara ang isang resolusyon na humihiling ng clemency o pagpapagaan ng sentensya sa Overseas Filipino Worker na si Mary Jane Veloso, na higit isang dekada nang nakakulong dahil sa kasong may kaugnayan sa ilegal na droga.Â

Inihain ang resolusyon ng Gabriela Party-list Rep. Sarah Elago bilang hakbang para wakasan ang matagal na pagdurusa ng isang kinikilalang biktima ng human trafficking.
Binibigyang-diin sa panukala ang makataong konsiderasyon at obligasyon ng estado na protektahan ang mga Filipina migrant workers na nalalagay sa panganib sa ibang bansa.
Ayon kay Elago, ang patuloy na pagkakakulong kay Veloso ay nagpapalalim lamang sa kawalan ng hustisyang dinanas niya sa loob ng maraming taon.
Iginiit din niya na may kapangyarihan ang Pangulo, alinsunod sa Saligang Batas, na magbigay ng clemency, nang hindi nilalabag ang umiiral na kasunduan ng Pilipinas at Indonesia hinggil sa paglipat ng mga bilanggo.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Pilipinas si Veloso matapos ang halos labinlimang (15) taong pagkakakulong sa Indonesia.Â
Nakapiit siya ngayon sa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong habang hinihintay ang desisyon ng ehekutibo. #
