Clean Leaf International Corporation, walang business permit sa Bamban: MENRO
Kinumpirma ng Municipal Environment and Natural Resources Office (MENRO) ng Bamban, Tarlac na walang nakuhang business permit mula sa lokal na pamahalaan ang Clean Leaf International Corporation (CLIC) upang mag-operate ng Treatment, Storage, and Disposal (TSD) facility sa Barangay Anupul mula nang magsimula itong mag-operate noong 2021.
Ayon kay Bamban MENRO Head Jonathan Yanga, lumabas sa paunang pagsusuri ng kanilang tanggapan na hindi nakapag-secure ng permit ang CLIC mula sa Bamban LGU para sa operasyon nito sa nasabing barangay.
Sa isang phone interview ng CLTV36 News, sinabi ni Yanga na nagsagawa na sila ng initial inspection sa lugar at kasalukuyang inaalam ang eksaktong saklaw ng territorial jurisdiction dahil ang pasilidad ay sumasaklaw sa dalawang bayan.
Ipinaliwanag ni Yanga na ang bahagi ng pasilidad na nasa mas mataas na elevation ay sakop ng Barangay Anupul sa Bamban. Makikita umano sa mga larawan ng lugar na ang ilang bahagi ng operasyon ay nasa nasabing barangay.
Ang TSD facility ng CLIC sa Barangay Anupul ay konektado sa isang katabing lote na matatagpuan naman sa Barangay Cutcut 2nd sa Capas. Tinatayang nasa 189,541 square meters ang kabuuang lawak ng lupang ginagamit ng kumpanya na sumasaklaw sa dalawang lokalidad.
Gayunman, nakakuha umano ng business permit ang CLIC mula sa lokal na pamahalaan ng Capas para sa operasyon nito sa Barangay Cutcut 2nd, kung saan pinoproseso ang mga hospital waste bago ito dinadala sa kalapit na Metro Clark Waste Corporation.
Ayon pa kay Yanga, magsasagawa pa ng mas masusing due diligence ang kanilang tanggapan upang matiyak kung alin sa mga bahagi ng operasyon ang sakop ng hurisdiksyon ng Bamban LGU at kung kinakailangan na ring kumuha ng kaukulang permit sa kanilang bayan.
Dagdag pa niya, makikipagtulungan ang MENRO sa Business License and Permit Office (BLPO) ng Bamban upang matukoy kung may paglabag sa lokal na ordinansa o sa business permit requirements ng munisipyo.
Sa kasalukuyan, may anim na TSD facilities na matatagpuan sa naturang lugar kabilang ang CLIC, Envirocare (Philippine Premier), CLAD Sanitation Services, Cleanway Environmental Management Inc., Safewaste Inc., at Environmental Inc..
Samantala, patuloy na sinusubukan ng CLTV36 News na makuha ang panig ng pamunuan ng CLIC hinggil sa usapin. #
