Chinese national na may dalang spy equipment, naaresto malapit sa Comelec office
Kinumpirma ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na may banta ng foreign interference sa bansa sa nalalapit na National and Local Elections sa May 12, 2025.
Ito ay makaraang arestuhin ng National Bureau of Investigation (NBI) ang isang Chinese national na umano’y may dalang surveillance equipment sa tapat ng Commission on Elections (Comelec) sa Intramuros, Manila nitong Martes, April 29.
Sa report ng Philippine News Agency (PNA), nadiskubre ang International Mobile Subscriber Identity (IMSI) catcher sa loob ng sasakyan ng hindi pa pinangalanang suspek.
Ayon sa Department of Information and Communications Technology (DICT), ang IMSI catcher ay isang uri ng spy device na ginagamit upang palihim na makuha ang data ng mga mobile phone. Ginagaya nito ang mga totoong cell tower upang makuha ang signal ng mga telepono sa paligid, na maaaring magamit sa pagsubaybay, pakikinig, o pagkolekta ng datos.


Ayon kay Tolentino, malinaw na ebidensya ito ng isinasagawang mga lihim na operasyon upang maimpluwensyahan ang halalan sa bansa.
Dagdag pa ng senador, pinatotohanan ng naturang insidente ang mga naiulat na banta mula sa China na tinalakay sa isinagawang pagdinig ng Senado noong nakaraang linggo, kaugnay ng posibleng pakikialam nila sa demokratikong proseso ng Pilipinas.
Pinuri naman ni Tolentino ang mabilis na aksyon ng NBI na aniya’y naging susi sa pagpigil ng umano’y mapanlinlang na plano para isulong ang interes ng Beijing.
Bilang principal author ng Senate Bill No. 2951 o ang proposed Counter Foreign Interference Act, binigyang-diin ng senador ang kahalagahan ng pagpapalakas sa umiiral na batas kontra paniniktik, na aniya’y hindi na akma sa kasalukuyang panahon sapagkat ito’y nag-ugat pa noong panahon ng Commonwealth. #
