China, dapat itigil ang drama sa West Philippine Sea: Sen. Hontiveros
By Nicodemy Yumul, CLTV36 News intern
Mariing kinundena ni Senator Risa Hontiveros ang umano’y “photoshoot gimmick” at ang insidente ng pagtatanim ng watawat ng China sa Sandy Cay. Tinawag niya itong isang palabas na isinadula ng Beijing. Iginiit rin niya sa kanyang Facebook post na “China should stop creating drama.”
Ayon kay Hontiveros, walang bansang may tamang prinsipyo o makatarungan ang kikilala sa hakbang na ito bilang pagbibigay ng soberanya sa China, lalo’t malinaw sa international law na ang Sandy Cay ay bahagi ng West Philippine Sea, na nasa layong dalawang nautical miles lamang mula sa Pag-asa Island.
Binigyang-diin niya rin na dapat kumilos ang pamahalaan upang ipagtanggol ang karapatan ng bansa. Aniya, kailangan ng Department of Foreign Affairs (DFA) na magsampa ng diplomatic protest at patuloy na palakasin ang mga joint patrol ng Philippine Coast Guard sa nasabing lugar.
Dagdag pa niya, hindi dapat ginagamitan ng puwersa, pananakot, o agresyon ang pagbabago ng status quo sa rehiyon.
Samantala, iniulat ng National Task Force for the West Philippine Sea (NTF-WPS) na matagumpay na naisagawa nitong April 27 ang Inter-Agency Maritime Operation (IAMO) sa Pag-asa Cay 1, Cay 2, Cay 3, at karatig-dagat. Katuwang sa operasyon ang Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police-Maritime Group upang mapalakas ang maritime domain awareness at pagpapatupad ng hurisdiksyon ng Pilipinas.
Sa operasyon, namataan ang iligal na presensya ng China Coast Guard 5102 at pitong barko ng Chinese Maritime Militia malapit sa Cay-2 at Cay-3. Iginiit ng NTF-WPS na ang operasyon ay patunay ng matatag na dedikasyon ng pamahalaan sa pagbibigay ng proteksyon sa soberanya at karapatan ng bansa, alinsunod sa international law, at sa pagsusumikap na mapanatili ang kapayapaan at katatagan sa rehiyon.
Sa isang Facebook comment, nagpahayag pa si Hontiveros ng kanyang suporta at paghanga sa mga otoridad sa pamamagitan ng mga salitang, “Mabuhay kayo!” bilang pasasalamat sa pag-aksyon ng mga otoridad kaugnay ng insidente sa Sandy Cay sa West Philippine Sea. #
