China Coast Guard, muling pinuntirya ang Bajo de Masinloc
Hinarang at sinundan umano ng tatlong Chinese vessels ang barko ng Philippine Navy na BRP Emilio Jacinto habang nagsasagawa ng maritime patrol sa Bajo de Masinloc kasama ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at Philippine Coast Guard (PCG) nitong Lunes, May 5.
Ayon sa ulat ng Armed Forces of the Philippines (AFP), binuntutan ng dalawang barkong pandigma ng People’s Liberation Army Navy ng China ang barko ng bansa at dumaan sa kanilang harapan sa paraang maaaring maging sanhi ng banggaan.


Nakisali rin daw ang isang barko ng China Coast Guard na sinubukang harangan ang daanan ng barko ng Philippine Navy.
Mariing kinundena ng AFP ang ginawang kilos ng China na labag umano sa International Regulations for Preventing Collisions at Sea (COLREGs). Tinawag nilang iresponsable at mapanulsol ang nasabing mga aksyon na maaaring magdulot sa mas lalong pagsiklab ng tensyon sa dagat.
Pinuri naman ng AFP ang ipinakitang disiplina at propesyonalismo ng mga tripulante ng BRP Emilio Jacinto sa kabila ng mapanganib na sitwasyon. Patuloy umanong maninindigan ang militar sa karapatan ng Pilipinas sa usapin ng West Philippine Sea, alinsunod sa batas at sa pagsusulong ng mapayapa at patas na kaayusan sa karagatan. #
