Central Luzon, nanguna sa 2024 Seal of Good Local Governance Awards
Nangunguna ang Central Luzon sa mga rehiyon na nagkamit ng Seal of Good Local Governance (SGLG) para sa taong 2024, ayon sa Department of the Interior and Local Government (DILG).
Ang SGLG ay isang programa kung saan kinikilala ang mahusay na pamamahala ng mga LGU.
Sa anunsyo ng DILG ngayong Martes, November 19, ito na ang pinakamataas na bilang ng awardees sa kasaysayan SGLG, kung saan umabot sa kabuuang 714 local government units (LGUs) ang tatanggap ng prestihiyosong parangal.
Sa 714 LGU awardees, 41 ang mga lalawigan, 96 ang mga lungsod, at 577 ang mga munisipalidad. Sa bilang na ito, mayroong 22 LGUs ang walong beses nang nanalo, habang 135 naman ang unang pagkakataon na tumanggap ng SGLG.
Sa lahat ng rehiyon sa bansa, nanguna ang Region III na may 106 awardees. Sinundan ito ng Region I na may 83, at Region VI na mayroong 62.
Ayon sa ahensya, ang lahat ng LGU awardees ay makakatanggap ng SGLG marker at SGLG Incentive Fund na maaari nilang gamitin para sa local development initiatives.
Binanggit din ng DILG na mas pinahusay nila ang assessment ngayong taon at nagdagdag sila ng mga outcome-based criteria upang mabigyan ng pagpapahalaga ang mahusay na pamamahala, gayundin ang mga reporma sa lokal na pamahalaan.
Kabilang sa governance areas na kanilang sinuri ang financial administration and sustainability, disaster preparedness, social protection, health compliance, sustainable education, business-friendliness, safety, peace and order, environmental management, tourism, heritage development, at youth development.
-30-